



53 Balete Drive,
Quezon City
Mahal Kong Cel,
Hinangad ko ang lumiham sa iyo upang hindi mo lubhang damdamin ang mga pangyayari noong Enero 1. At pati na ang hindi ko pagkakabayad ng ticket. At ang lubha kong ikinahihiya sa iyo.
Noong tayo ay nasa simbahan ay sinadya ko ang hindi ipabatid sa inyo ang aking paglisan sapagkat kayo ay parang nangagdarasal. Ang dahilan ay sapagkat ako ay hinihintay sa amin ng aking mga kapatid.
Cel, ako ay hindi na makarating diyan sa inyo dahil sa ako ay lubhang nahihiya, kaya’t ang bayad ng ticket ay ipadadala ko na lamang kay Doming. Matagal ko na sanang ibig ipadala ang bayad ngunit ako ay nahihiya kay Ed. Kaya’t hihintayin ko na siya.
Alam mo Cel, lubha kong dinamdam ang hindi ko pagiging marunong sumayaw. Sayang hindi kita mahahawakan man lamang. Para bagong nalalaman ko na ako ay pumaruon duon upang pagtawanan sa hindi pagiging marunong sumayaw ng boogie at tango. Sayang na sayang laman ano? Biro lang ito Cel.
Marahil sa salita ko dito ay magdaramdam ko. Alam ko Cel na lubha kang maramdamin. Hindi rin ako nakalilimot sa mga kabutihan ninyo sa akin. Kaya’t sa hindi ko pagiging matapat na kaibigan ay kayo na ang humatol. Hanggang dito na lamang at nawa ay patnubayan ka ng poong bathala. Ang lahat ng aking sinabi rito ay luwag mong intidihin.
Erning
padalhan mo lamang ako ng isa mong larawan. Ito ay kung maari lamang naman.
Erning